Ang FPJ o Fermented Plant Juice ay isang suplementong pangkaraniwang ginagamit sa organikong pagsasaka. Ito ay gawa mula binurong dahon o talbos ng mga halaman gaya ng kakawate, kamote, pinagtabasan ng gulay na hinaluan ng pulang asukal o molasses. Ito ay ginagamit bilang pamuksa ng peste at organikong pataba ng mga magsasaka.
Mga kagamitang kailangan:
– Mga talbos o dahon ng napiling halaman (2kg)
– Pulang asukal o molasses (1kg)
– Anumang malinis na sisidlan
– Itak o kutsilyo
– Papel o katsa

PARAAN NG PAGGAWA
1. Mangolekta ng halamang gagamitin sa umaga habang sariwa pa ang mga ito. Huwag hugasan ang mga ito.
2. Tadtarin ng pino ang halamang sangkap gamit ang itak o kutsilyo
3. Haluan ng pulang asukal o molasses. Isang parteng asukal sa dalawang parteng halaman.
4. Ilagay sa sisidlan at takpan ng papel o katsa
5. Iimbak sa malamig at malilim na lugar sa loob ng pitong araw
6. Pagkalipas ng 7 araw, pigain ito upang makuha ang katas na siyang maari mong gamitin.
7. Ilagay sa plastik na sisidlan. Maari itong gamitin o iimbak pa ng 6 na buwan mula ng pagkakagawa nito.

Maari itong gamiting pandilig o pambomba sa iyong halaman. Ihalo ang isang kusaritang FPJ sa isang litro ng tubig. Ang Center for Bayanihan Economics (CBE) ay gumagamit ng ganitong uri ng suplemento sa kanilang halaman pangkaraniwan sa palay bilang pandilig at pamuksa ng peste. Marami pang maaring paggamitan ng FPJ, maari itong ipainom sa iyong alagang hayop. Maari ding gamiting pangbabad sa mga buto bago ito itanim.